
Matapos ang ilang dekada, muling nagkita at nagkasama ang Star for All Seasons na si Vilma Santos at ang aktor na si Carlo Aquino.
Nagdulot ng nostalgia ang pagkikita ng dalawa matapos nilang gumanap bilang mag-ina sa ’90s hit movie na Bata, Bata Paano Ka Ginawa? na hango mula sa nobela ng namayapang nobelista na si Lualhati Bautista, sa direksyon ni Chito S. Roño.
Read: Vilma Santos, Leni Robredo nagbigay-pugay kay Lualhati Bautista
Sa Instagram ngayong Linggo, February 19, 2023, ipinost ni Carlo ang ilang kuhang litrato ng muling pagkikita nila ni Vilma, kalakip ang kanyang pagbati sa ika-animnapung (60th) anibersaryo sa showbiz ng Star for All Seasons.
Read: Vilma Santos marks 60th showbiz anniversary with ABS-CBN show
“Happy 60th anniv sa nag-iisang Vilma Santos-Recto,” pagbati ni Carlo.
Hindi rin niya napigilang sariwain ang unang araw na nagkita sila ni Vilma sa set ng 1998 movie na Bata, Bata Paano Ka Ginawa?
Pagbabahagi ng aktor, “First day of shoot ko sa Bata bata. Dumating ka sa set na naka artista van. Pinakilala ka samin ni direk Chito [Roño] tapos lumapit ka sakin. Sabi mo ‘ill be your mom for this film, would you like that?’
“Halos matanggal ulo ko sa pagtango. [laugh emoji] Salamat sa pagtanggap sa akin bilang si Ojie.”
Nagpasalamat din si Carlo sa pagmamahal na ibinibigay sa kanya ni Vilma kahit na matagal na raw natapos ang kanilang pelikula.
Aniya, “Kahit matagal na nagawa ang pelikula natin ganun pa din ang pagmamahal mo sakin.
“Salamat sa mahigpit na yakap pagkatapos ng bawat eksena.
“At higit sa lahat salamat sa ‘Akala mo lang wala.’”
Ang tinutukoy na “Akala mo lang wala” ni Carlo ay ang makabag-bagbag damdaming linyang binitawan niya noon sa pelikula na tumatak sa mga manonood magpahanggang ngayon.
Ang buong linya nito ay “Akala mo lang wala, pero meron, meron, meron!” (by Khryzztine Joy Baylon PEP)