Ipinagmalaki ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang positibong resulta ng intensibong kampanya ng Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Pasay para puksain ang paglaganap ng iligal na droga sa mga komunidad.
Sa kanyang mensahe sa regular flag raising ceremony ngayong araw, Pebrero 20, sa Pasay City Hall quadrangle, kinilala ni Mayor Emi ang natatanging ambag ng mga barangay officials sa pagsugpo sa iligal na droga.
Tatlong barangay ang binigyan ng pagkilala ng Pasay LGU bilang “Drug Cleared Barangays” mula sa rekomendasyon ng City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) na pinamumunuan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Tumanggap ng parangal ang mga Punong Barangay na sina Kap. Noel Mariano ng Brgy. 134; Kap. Antonio Donaire, Brgy. 20; at Kap. Robert Cruz ng Brgy. 164.
Mula May 19, 2018 hanggang December 14, 2022, nasa 99 barangay na ang deklaradong “drug-free” ng Pasay City alinsunod sa maingat na balidasyon ng Regional Oversight Committee for Barangay Drug Clearing (ROCBDC) Program.
Ayon sa CADAC, inaayos na rin ang balidasyon sa ilan pang barangay na unti-unti nang napupuksa ang problema sa iligal na droga.
Ang ROCBDC ay binubuo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Philippine National Police (PNP), at Pasay City LGU.
“Let me take this opportunity to recognize and congratulate our new ‘barangay role models’ — ang Barangay 20, Bgy. 134, and Bgy. 164 — mga barangay na pinaka-bagong na declare na drug free barangays ng ating CADAC. Congratulations ho sa mga barangay at sana po maging ehemplo kayo para sa ating mga natitirang barangay na hindi pa cleared by CADAC,” wika ni Mayor Emi.
Pinasalamatan din ng alkalde ang mga tauhan at bumubuo ng CADAC dahil sa masinop at pursigidong pagpapatupad ng kaayusan at pagsawata sa mga illegal drug activities sa komunidad.
“Syempre, we also have to acknowledge CADAC for a job well done in their barangay-to-barangay assessments.”
Pinuri din nito ang Pasay City Police na pinamumunuan ni Chief of Police Col. Froilan Uy, mga barangay officials at lahat ng mamamayan ng Pasay na tulong-tulong sa pag-aambag ng lakas at dedikasyon para puksain ang iligal na droga sa siyudad.
“Lahat ho ito — ang drug clearing at lahat ng magandang nangyayari sa ating siyudad, ay bunga ng ating pagtutulungan bilang mga kapamilya dito sa Pasay. Bilang mga Ka-Pasay. Hindi ho namin ito magagawa kung wala ang tulong ng bawat Pasayenyo,” pagtatapos ni Mayor Emi. (PASAY PIO)