Halos isang daang libong residente ng Oriental Mindoro ang apektado ngayon ng oil spill mula sa motor tanker na lumubog ilang linggo na ang nakakaraan, sinabi ng provincial governor nitong Lunes.
Sa panayam ng media sinabi ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na ang lumubog na MT Princess Empress na may dalang 800,000 litro ay nagkaroon ng epekto sa kabuhayan at pang-araw-araw na buhay ng mahigit 99,000 indibidwal o 19,900 pamilya.
“Medyo mabigat na po ang tama lalo na sa Pola na kung saan lahat ng barangay ay sakop ng oil spill sa kanilang shorelines,” Saad nito .
Maraming isda ang namatay, habang ang ilang seagrasses, corals, at mangrove ay nasira din dahil sa oil spill, dagdag niya.
Sinabi ni Dolor na nasa 122 residente na sa lalawigan ang nagkasakit dahil sa epekto ng oil spill. Ang ilan sa kanila ay may mga sintomas na nauugnay sa paghinga, habang ang iba ay nakaranas ng pagsusuka at pagtatae.
Nagpahayag siya ng pag-asa na hindi na makakarating ang oil slick sa iba pang coastal barangays dahil 13 lamang sa 77 na lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity ang may direktang kontak sa spill.
Sabay-sabay na nagsagawa ng malawakang paglilinis ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes sa mga lugar na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro, partikular sa Naujan at Pola.
Sinabi ng tagapagsalita ng PCG na si Rear Admiral Armand Balilo na hindi pa rin sila makapagbigay ng tiyak na timeline kung kailan lubusang lilinisin ang oil spill, ngunit binigyan sila ng apat na buwang timeline ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Samantala, wala nang makabuluhang nakikita ang mga oil spill sa Palawan, ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) chief Jerry Alili.
Gayunpaman, binabantayan pa rin ng mga local government units ang kani-kanilang municipal waters para mapigil ang panibagong oil slick bago ito makarating sa kanilang baybayin.
“So far, ang aming focus ngayon ay doon sa follow up ng containment dahil doon sa unang isla, sa Casian, after ma-contain at ma-clear ‘yung oil slick na nakita doon ay wala na ring sumunod nitong mga sumunod na araw. Wala na ulit na sightings,” Inihayag ni Alili sa isang media interview.
“Yung mga nakikita natin dito ay spot-spot lang na maliliit, mga kasing laki lang ng kamao,” Pahayag nito.
Nitong Biyernes, nakita ang epekto ng oil spill sa Barangay Casian sa Taytay, Palawan — isang bayan na 159 nautical miles o 295 kilometro ang layo mula sa Naujan.
Habang pinaninindigan na ligtas pa rin ang Palawan sa oil spill, sinabi ni Alili na isang seaweed farm sa lalawigan ang naiulat na naapektuhan nito.