Ilang pribadong sasakyan ang namataan na dumaan sa EDSA Bus Carousel lane
Ilang pribadong sasakyan ang namataan na dumaan sa EDSA Bus Carousel lane habang ini-escort ng dalawang miyembro ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Ayon sa ulat Sabado, nag-viral sa social media ang isang video kung saan nakita ang ilang sasakyang dumaan sa EDSA Bus Carousel lane sa kahabaan ng Guadalupe, Makati City.
Sinabi ni Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) chief Charlie del Rosario na bawal ang mga pribadong sasakyan sa lane na iyon. Kakausapin daw niya ang HPG para pag-usapan ang usapin.
“Bakit siya escort? Makikipag-coordinate agad kami sa Highway Patrol Group. Definitely, bawal dumaan diyan sa EDSA Bus Carousel ang mga private motor vehicles,” ani del Rosario.
Sinabi ng HPG na maglalabas lamang ito ng pahayag kapag natanggap na nito ang buong detalye tungkol sa insidente.
Makikipag-ugnayan umano ito sa Department of Transportation (DOTr) para malaman kung may nagawang paglabag ang mga tauhan nito.
Sinabi ni Del Rosario na tanging mga piling sasakyan lamang ang maaaring dumaan sa bus carousel lane.
“Government vehicles, pwede, pwede ‘yan pagkatapos in-allow, nagpaalam ‘yan pwede ‘yan, oo mga ambulance kasi emergency. Dapat proper marked vehicle ng government ‘yan,” Paliwanag ni Del Rosario.
Aniya, ang mga lalabag ay ire-report sa Land Transportation Office (LTO).
“May mga driver na ng private motor vehicles na na-suspend at na-sanction ng LTO because of using the EDSA Bus Carousel,” Pahayag ni del Rosario
Related Stories
September 21, 2024
September 21, 2024
September 20, 2024