
Hindi napigilang maluha at maging emosyunal ni Liza Soberano sa ikalawang bahagi ng panayam niya sa Fast Talk with Boy Abunda ng GMA-7 .
Mas naging personal na ang mga tanong sa kanya ng host na si Boy Abunda.
Kabilang na rito ang tungkol sa relasyon niya sa kanyang dating talent manager na si Ogie Diaz, maging ang usaping pera na naungkat din matapos batikusin ang aktres sa kanyang controversial vlog.
Noong March 3, 2023, naging usap-usapan ang vlog sa YouTube ni Ogie kasama sina Mama Loi, Dyosa Poekoh, at Tita Jegs. Dito ay isiniwalat ni Ogie ang komisyong nakukuha niya sa matagal na panahong pagku-co-manage sa career ng aktres.
Nag-ugat ang usaping ito matapos mag-tweet ang isang netizen noong March 1, patungkol sa diumano’y 40 percent na komisyong nakukuha ni Ogie kay Liza.
Tweet ng isang netizen (published as is): “Ang lala nung 40% commission.
“Ang laki talaga ng nawawala sa kanya. Wala pa diyan yung sa SM.
“Tas yung isang brand na umatras kasi nagpadagdag ng TF si OD kahit ok na kay Liza yung offer.
“Grabe parang ginagawa niyong Diyos ang pera. Disgusting.”
Mariin itong itinanggi ni Ogie.
Aniya, “how I wish” na ganito nga kataas ang nakukuha niya, pero hindi.”
Sabi pa niya, “No… it’s not true at all. I was only getting 20 percent.”
Paliwanag naman ni Ogie kay Mama Loi, “At yung sinasabi mo kanina na 30, pag ikaw ang nag-aalaga, nagma-manage ka, dapat, pag-umpisa pa lang ng talent, 30 na.
“Thirty percent. Why?
“Kasi gagastusan mo siya. Para kang nagluwal ng sanggol na padededehin mo, bibihisan mo, tapos tuturuan mong lumangoy, tuturuan mong lumakad, ganyan.” (PEP by Khryzztine Joy Baylon)